Binalaan ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na papatawan nito ng kaukulang kaso ang sinumang negosyante na mananamantala sa presyo ng mga agricultural products sa pamamagitan ng hoarding o pagkontrol ng suplay nito.
Ginawa ni Dar ang babala matapos na pumalo ng P80.00 o 100% ang itinaas ng presyo ng kada kilo ng manok sa mga mga pampublikong pamilihan.
Paliwanag ng Agriculture chief, aabot lamang kasi sa P77.00/kilo ang farm gate ng manok, ngunit ibinebenta ito sa mga merkado sa napakamahal na presyo na umaabot sa P157.00/kilo.
Pinuna rin ni Dar ang presyo ng imported na galunggong kung saan nasa P50.00 hanggang P60.00 lamang ang wholesale price nito pero pumapalo na sa P200.00 hanggang P280.00 ang kada kilo nito sa mga palengke.
Dahil dito, mas nagmahal pa ang presyo ng galunggong sa karne ng baboy naglalaro lamang sa P180.00 hanggang P220.00/kilo.
Malinaw ani Dar na sinasamantala ng mga traders at sellers ang nangyaring kalamidad makaraang pumutok ang Bulkang Taal.
Giit ni Dar, hindi sya magdadalawang isip na sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 7581 o ang Price Act of 1992 na nagbibigay kapangyarihan sa DA na patawan ng kaukulang kaso ang sinumang negosyanteng nagmamanipula sa suplay ng mga produktong pang-agrikultura.