Nagtakda ng palugit ang Department of Agriculture (DA) hanggang Pebrero 8 para sa pagsunod ng mga tindera ng baboy sa itinakda nitong nararapat na presyo ng baboy sa merkado.
Batay kasi sa bagong executive order 124 na inilabas ng otoridad dapat na nasa P270 lamang ang presyo ng kasim at pigi ng baboy habang P300 naman ang takdang presyo para sa liempo.
Tumatakbo kasi karamihan sa mga palengke sa Metro Manila ang presyo ng baboy mula sa P380 hanggang P400 ang liempo at P330 naman hanggang P360 ang halaga ng kasim at pigi.
Batay sa pagsusuma ng Pork Producers Federation of the Philippines (PROPORK), ang mga buhay na baboy mula sa Visayas at Mindanao ay dapat na ibenta sa pagitan lamang ng P180 hanggang P200 ang kada kilo at madadagdagan lamang ito ng P50 kada kilo para sa mortality fee.
Habang maaari namang magpatong ng presyo ang mga trader ng nasa P50 hanggang P70 kada kilo at P50 ang tubo ng mga retailers.
Kung susumahin, tutungtong sa P330 hanggang P370 ang Suggested Retail Price ng baboy.
Kaugnay nito, nagbabala ang PROPORK ng kakulangan ng suplay ng karne ng baboy sa mga pamilihan sa Metro Manila.—sa panulat ni Agustina Nolasco