Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na mag-aangkat ng sibuyas na pula ang bansa bago matapos ang 2015.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Planning and Project Development Atty. Paz Benavidez II, naapektuhan ng husto ang produksyon ng sibuyas dahil sa bagyong Lando at epekto na rin ng El Niño phenomenon.
Ipinabatid ni Benavidez na umaabot sa 121 import permit ang kanilang na-issue sa 19 na importer ng sibuyas.
Sa 121 naisyung import permit, ito ay may katumbas na 6,050 metriko tonelada pa lamang.
Naniniwala ang DA na inaasahang bababa na ang presyo ng sibuyas na pula sa sandaling dumating na sa bansa ang mga inangkat na sibuyas mula sa China at India na kapwa pumasa sa pest risk analysis ng Pilipinas.
Sa sibuyas na dilaw naman, kabuuang 9,617.45 metriko tonelada na ang naangkat ng pribadong sector para sa may 229 import permit na naisyu ng Bureau of Plant and Industry o BPI.
By Meann Tanbio | Monchet Laranio