Nakiusap ang Department of Agriculture (DA) kay Cebu Governor Gwen Garcia na tanggalin ang ipinatupad na total ban sa pagpasok ng karne ng baboy at mga produktong galing sa baboy sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, overreaction sa isyu ng African Swine Flu (ASF) ang ginawa ng pamahalaang panlalawigan ng Cebu.
Ipinaliwanag ni Dar na mayroon na silang ipinatutupad na protocol sa buong kapuluan sa pagtransport ng buhay man o naprosesong karne ng baboy upang matiyak na ligtas ang mga ito sa ASF.
Sinabi ni Dar na kailangan munang kumuha ng certificate mula sa beterinaryo ng pamahalaan bago puwedeng ibiyahe ang baboy at certificate mula sa National Meat Inspection Service para naman sa mga naproseso nang karne ng baboy.
Ipinarating ni Dar kay Governor Garcia na ang dapat lamang gawin ay huwag papasukin sa kanilang lalawigan kung walang maipapakitang certificate ang isang biyahero ng baboy.