Pinangakuan ni Agriculture Secretary Manny Piñol ang mga magsasaka na bibigyan ang mga ito ng postharvest facilities at makinarya.
Ito ay kung makakapagbenta ang mga ito ng malaking volume ng palay sa National Food Authority.
Ayon kay Piñol, pagkakalooban ang mga magsasaka ng isang maliit na traktora, harvester, kuliglig o kahit na rice processing center depende sa dami ng palay na idedeliver at ibebenta ng mga ito sa NFA sa ilalim ng point system scheme.
Ginawa ni Piñol ang hakbang upang mahikayat pa ang mga local farmer na magbenta ng kanilang produkto sa NFA sa halip na sa private traders.
Maliban dito, bibigyan aniya sila ng priority na makapag-avail ng walang collateral at low interest financial assistance sa ilalim ng production loan easy access credit program na pinangangasiwaan ng Agricultural Credit Policy Council.