Pina-panagot ng grupong National Federation of Small Fisherfolk Organization in the Philippines o Pamalakaya si Agriculture Secretary William Dar sa kinakaharap na food crisis ng bansa.
Sa kanilang inilunsad na kilos-protesta sa tapat ng tanggapan ng Department of Agriculture sa Quezon City, kahapon, ipinanawagan din ng Pamalakaya ang pagpapatigil sa importasyon ng isda.
Iginiit ni Pamalakaya Spokesman Rommel Arambulo na sa halip mag-import ng galunggong, dapat anilang bigyan ng subsidiya ang mga mangingisda para maka-agapay sa kanilang hanap =buhay.
Dapat din anyang taasan ang fuel subsidy sa 15,000 mula sa kasalukuyang 3,000 pesos at bilisan ang pamamahahagi nito upang maagapan ang lumiliit na kita ng mga mangingisda bunsod ng hindi maawat na oil price hike.
Una nang inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kalahating bilyong pisong pondo para sa fuel subsidy ng nasa 158,000 magsasaka at mangingisda.
Gayunman, hindi pa natatapos ng DA ang distribusyon ng nasabing ayuda.