Namahagi si Agriculture Secretary Manny Piñol ng mahigit sa 100 Bangka sa mga mangingisda sa Masinloc, Zambales.
Ayon kay Piñol, gawa sa fiberglass-reinforced plastic ang mga ipinamigay na 30-footer na mga bangka.
Sinabi ni Piñol na mas magandang gamitin ang bangkang gawa sa fiberglass kumpara sa mga tradisyunal na bangka na kahoy.
Aniya, bagaman mas mataas ang presyo nito, hindi ito madaling kalawangin at mabulok.
Bukod sa makina, may mga gamit pangisda ring ibinigay gaya ng gill nets.
Samantala, sinabi ni Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Director retired commodore Eduardo Gongona na kukunin nila ang serbisyo ng mga mangingisdang kabilang sa local fisheries livelihood development technicians na magrecord ng mga nahuhuling isda ng mga benepisyaryo ng mga ipinamahaging bangka.
Sinabi naman ni National Marine fisheries Development Center Officer in charge Leah Villanueva, layon ng hakbang na matukoy kung gaano kapositibo ang epekto sa kabuhayan ng mga mangingisda ang ipinamigay na mga bangka.
Tiniyak ng Department of Agriculture na magpapatuloy ang pamamahagi ng bangka bilang bahagi ng tulong pangkabuhayan sa mga mangingisda.
By: Avee Devierte