Makakamit ng Administrasyong Duterte ang Rice Self Sufficiency o sapat na supply ng pagkain sa loob ng 2 taon.
Ito ang target ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol matapos maisalin sa kanya ni dating Agriculture Secretary Proceso Alcala ang pamamahala sa Department of Agriculture.
Sa ginanap na press conference matapos ang turn-over ceremony, sinabi ni Piñol na humiling na sya ng 30 Bilyong Pisong pondo para magamit at makatulong sa mga magsasaka na makapagtanim lalo na ang tinamaan ng El Niño Phenomenon.
Kabilang sa mga nais ipamahagi ni Piñol ang mga binhi, fertilizer, magandang irigasyon para sa magandang daloy ng tubig sa mga sakahan, at iba pang serbisyo para sa dalawang beses na pagtatanim.
Ang dry crop season o ang mas mahabang panahon ng tag-araw at ang ikalawa ay ang wet cropping season na panahon na nag-uulan.
Kaugnay dito, aminado si Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na dapat mapaghandaan ang epekto ng El Niño para masiguro na may sapat na pagkain ang bansa hindi lamang supply ng bigas kundi maging ibang crops o pananim na kinakain
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, bumaba ang produksyon ng mais at palay sanhi mg epekto ng tag tuyot.
Target ni Piñol na bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte ay umabot sa anim na buwan ang bigas na nakaimbak sa bansa para may magamit sa panahon ng kalamidad.
Sa mandato ng National Food Authority, may 30 araw lamang na buffer stock o nakaimbak ang NFA sa panahon ng lean months o kakaunti lang ang nagtatanim mula sa buwan ng Hulyo hanggang Setyembre.
Positibo pa si Piñol na kayang makamit ito ng mga magsasaka lalo’t mabibigyan sila ng tulong na kanilang kakailanganin gaya ng binhi, farm mechanization, fertilizer, irihasyon, at teknolohiya.
Bago umalis sa puwesto si Dating Agriculture Secretary Proceso Alcala, nakapagtala na ng 96% rice sufficiency ang bansa.
By: Avee Devierte