Siniguro ng Department of Agriculture (DA) na hindi African Swine Fever (ASF) ang naging dahilan ng pagkamatay ng maraming baboy sa Rizal.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, alam na ng gobyerno ang sakit na nambiktima sa mga baboy ngunit hindi ito isinasapubliko upang hindi magpanic ang mga tao.
Aniya, pinapangalagaan ng ahensiya ang P260-B na hog industry ng bansa kaya patuloy na kumikilos ang gobyerno para makontrol ang sitwasyon.
Samantala, nangako naman ang ahensiya na bibigyan ng ayuda ang mga hog raisers na nakumpiskahan ng mga alagang baboy.
Sinabi ni Dar, mayroon silang inilaang tulong pinansiyal sa mga apektadong magbababoy at pagkakalooban din sila ng mga biik upang maging panimula sa kanilang negosyo.
Matatandaang kinumpiska ng ahensiya ang mga alagang baboy sa mga apektadong lugar para patayin upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa ilang lugar sa Rizal at Bulacan.