Lumilitaw na hindi tinutukan ng Department of Agriculture ang pagpaparami ng suplay ng baboy at manok.
Ito ang inihayag ng ilang senador sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture ukol sa pagtaas ng presyo ng baboy at manok dahil umano sa kulang na suplay.
Pinuna ni Senator Cynthia Villar, chairman ng kumite, na hindi naglaan ang da ng pondo para tulungan ang livestock industry.
Matapos sabihin ni Agriculture Undersecretary William Medrano na gumastos na sila ng P678-M para sa livestock at poultry industry – sinabi ni Villar na ang paggawa ng bagnet at chicharon ang itinuro ng DA at hindi ang repopulation ng baboy.
Giit ni Villar, dapat itong pinagtutuunan dahil matagal maka-recover ang industriya ng baboy at manok hindi gaya ng gulay na makakabawi matapos ang isa’t kalahating buwan.
Ayon naman kay Senator Imee Marcos, nung nakaraang taon pa may pagtaya na kakapusin ngayong taon ang suplay ng baboy at manok pero hindi kaagad umaksyon ang DA.
Hindi aniya isinama ng DA sa listahan ng itutulong sa livestock industry ang transportasyon at cold storage para sa karne.
Isinumbat ni Marcos na sa Bayanihan 1 at 2, malaki ang pondo para sa Department of Agriculture pero wala aniya itong epekto.