Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) at sa iba pang mga kaukulang ahensya upang talakayin ang iba’t ibang isyu sa agricultural development noong January 16, 2024.
Sa naturang pagpupulong, ipinakita ng DA ang kanilang status report sa pagpatatayo ng cold storage at postharvest facilities sa bansa, alinsunod sa utos ni Pangulong Marcos noong nakaraang buwan.
Ang cold storage facility ay isang specialized storage warehouse na mayroong temperature-controlled environment. Ang pangunahing function nito ay maging imbakan ng perishable goods o ‘yung mga produktong mabilis masira; katulad ng gulay, prutas at isda. Sa paggamit ng cold storage facilities, matitiyak ang quality at mapapahaba ang shelf life ng mga produkto.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., 30% ng agricultural products ang nasasayang dahil sa poor logistics system sa food supply chain ng bansa.
Kaya naman upang maiwasan ang oversupply, overproduction, at pagkalugi ng mga magsasaka at mangingisda dahil sa pagkabulok ng kanilang mga produkto, magpapatayo ng mas maraming cold storage facilities ang DA; partikular na sa La Union o Baguio, Taguig, Quezon, at Occidental Mindoro.
As of November 2023, naitalang nakapagpatayo na ang DA ng 268 cold chain facilities sa bansa. Target ng ahensya na makapagtatag ng karagdagang 47 cold chain facilities bago sumapit ang June 2028.
Samantala, magpapatayo rin ang DA ng 5,000 pallet position cold storage para sa mga gulay at high-value crops. Ayon kay Sec. Laurel, inaasahang magagamit ito sa June 2025.
Para kay Quezon City Councilor Alfred Vargas, kapuri-puri ang naging aksyon ni Pangulong Marcos na gawing prayoridad ang pagpapatayo ng cold storage facilities. Aniya, magbibigay ito ng ginhawa sa bawat Pilipino dahil posibleng maging mas mura ang presyo ng mga bilihin; kaya para sa Konsehal, ang hakbang na ito ng Pangulo ay maituturing ding “anti-poverty initiative.”