Walang dahilan para mag-angkat ang Department of Agriculture ng bigas hanggang sa susunod na taon.
Ito ay ayon kay senator Imee Marcos kung saan maganda ang produksyon ng mga lokal na magsasaka at sosobra pa ito sa domestic supply.
Bukod dito, wala nang natitirang valid sanitary at phytosanitary import clearances para mabigyang katwiran o maidepensa ang importasyon ng bigas sa taong ito.
Paliwanag pa ng senadora na ang inaasahang 5.13 million metric tons na lokal na produksyon ng bigas sa third quarter ay sosobra pa sa pangangailangan ng bigas na nasa 3.7 million metric tons at makapagtatabi pa ng 1.43 million metric tons sa katapusan ng Setyembre.
Sa ika-apat na quarter, inaasahang papalo sa 6.24 million metric tons ang supply ng bigas na lampas pa sa pangangailangan na 4.02 million metric tons para sa karagdagang buffer stock na 2.22 million metric tons sa katapusan ng Disyembre.
Lalabas na ang mga maaani sa ikatlo at ika-apat na quarter ang magbibigay sa bansa ng kabuuang buffer stock na 3.65 million metric tons sa katapusan ng taon, na tatagal ng 55 hanggang 66 na araw.—mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)