Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na walang aasahang paggalaw sa presyo ng baboy at manok sa mga pamilihan.
Ito’y kahit pa patuloy na sumisipa ang presyo ng gulay at isda sa mga pamilihan bunsod ng mga nagdaang bagyo gayundin ng habagat.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Jose Reano, mas nakabuti pa ang sunud-sunod na pag-uulan nitong mga nakalipas na araw dahil sa bumaba ang temperatura na kailangan ng hayop tulad ng manok, baboy at baka.
Sa pag-iikot ng DWIZ patrol sa Balintawak Market, P5 hanggang P10 ang itinaas ng kada kilo ng gulay tulad ng carrots na P55 na dating P45, repolyo P45 na dati P40 pesos , patatas P35 na dati P30 pesos; sitaw P75 na dating P50 pesos; sili P120 na dating P90 at sayote P20 na dating P15 pesos.
Tumaas din ang presyo ng isda tulad ng dalagang bukid na P100 pesos mula sa dating P70 pesos; galunggong P100 na dating P60 pesos; bangus P130 dating P120 pesos at tilapia P100 na dating P90 kada kilo.
Sa Mega Q Mart naman, mabibili ang kada kilo ng baguio beans sa P65 to P100 pesos mula sa dating P45 pesos; chicharo na P200 mula sa dating P160 pesos; labanos na P45 ngayon mula sa dating P35 pesos at talong na P35-P40 mula sa dating P20 pesos.
Bumaba naman ang presyo ng sayote sa P30 pesos mula sa dating P35 pesos gayundin ang bell pepper na P200 mula sa dating P250 pesos.
Sa isda, galunggong P120-P140 ngayon mula sa dating P100 pesos at tulingan na naglalaro sa P80-P120 mula sa dating P50 – P100 pesos ang kada kilo.
Bagama’t maituturing na normal pa, kapwa minomonitor pa rin ng DTI at DA ang presyuhan ng mga pangunahing bilihin upang maiwasan ang pananamantala ng ilang mga negosyante.
By Jaymark Dagala