Daan – daang Lumad din ang lumahok sa sinasabing malawakang kilos protesta kasabay ng ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Nakibahagi ang mga Lumad mula pa sa Mindanao sa aktibidad ng mga militanteng grupo sa Welcome Rotonda, España Boulevard hanggang Mendiola, Maynila.
Nagdulot naman ng matinding pagsisikip sa daloy ng trapiko ang pagmartsa ng mga raliyista mula Welcome hanggang mendiola sa kanto ng CM Recto Avenue at Legarda Street.
Bagong Alyansang Makabayan – Southern Tagalog nag-protesta sa tapat ng AFP Headquarters
Tinatayang limandaang miyembro ng Bagong Alyansang Makabayan – Southern Tagalog ang nag-protesta sa tapat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City.
Bitbit ang mga placard na may nakasulat na ‘Never Again to Martial Law’ at ‘Stop the Killings’, iprinotesta ng mga raliyista ang polisiya ng sinasabing ‘total war’ laban sa mga mamamayan at ‘wholesale killings’ ng mga mahihirap.
Ayon naman kay Tata Pido, ng Southern Tagalog Movement Against Tyranny, ibinabalik ng Duterte administration ang madilim na kahapon ng Martial Law.
Nagmula ang mga militanteng grupo sa iba’t ibang panig ng Cavite, Laguna, Batangas at Rizal bilang paggunita sa ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Gayunman, sinunog din ng mga raliyista ang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte at dating Pangulong Ferdinand Marcos kasabay ng National Day of Protest sa tapat ng Camp Aguinaldo, sa Quezon City
Iginiit ni Tata Pido ng Southern Tagalog Movement Against Tyranny na walang pinagkaiba ang mala – pasistang pamumuno ni Pangulong Duterte kay Marcos.
Kung noon anIya ay ‘salvage victim’ ang tawag sa mga napapatay sa panahon ni Marcos, ngayon ay wala rin itong pinagkaiba sa mga nato – tokhang sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Nagdulot naman ng bahagyang pagsisikip sa daloy ng trapiko sa EDSA – northbound sa Gate 4 ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Headquarters ang isinagawang aktibidad ng mga demonstrador.