Pwersahan nang inililikas ang daan-daang pamilya mula sa isang barangay na maituturing na danger zone matapos ang pagtama ng magnitude 5.6 na lindol sa Leyte noong Huwebes.
Ayon sa lokal na pamahalaan, target nilang alisin ang halos 500 pamilya o katumbas ng 2,000 indibidwal sa Barangay Danao na itinuturing nang danger zone matapos ang isinagawang assessment ng PHIVOLCS at Mines and Geosciences Bureau.
Tiniyak naman ni Ormoc City Disaster Risk Reduction and Management Office Head Ciriaco Tolibao na nakahanda na ang temporary relocation sites para sa mga apektadong pamilya sa Barangay Dolores, Luna, at San Pablo.
Sinabi ni Tolibao na kung kakailanganin pa ng dagdag na relocation sites, nakahanda na rin ang San Pablo covered court, Bagong Buhay covered court at Barangay DF Mejia covered court na siyang tutuluyan ng mga ililikas na residente.
- Meann Tanbio