Bago pa man isagawa ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law o BOL ngayong Enero 21, 2019 ay tagumpay na kung ituring ng mga Moro ang pagkakapasa sa nasabing batas.
Pero, ano nga ba ang plebisito at paano ito isinasagawa?
Highlights (Bangsamoro Organic Law)
Ano ang mga pagkakaiba ng BOL sa dating ARMM o Autonomous Region in Muslim Mindanao?
MGA SAKOP NA LUGAR
- Sa ilalim ng Bangsamoro Organic Law o BOL, ang mga dati nang lugar na sakop ng ARMM (mga probinsya ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi) ay mananatiling bahagi ng itatatag na bagong rehiyon, ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, habang ang Cotabato City, Isabela City sa Basilan, 6 na munisipalidad sa Lanao del Norte (Aleosan, Carmen, Kabacan, Midsayap, Pikit, at Pigkawayan) at 39 na barangay sa North Cotabato ay puwedeng mamili o mag-pasya kung nais nilang mapasama o hindi.
LAYUNIN
- Ang BOL ay bunga ng maraming taong negosasyon na layong maplantsa ang gusot at maayos ang mga hindi napagkakasunduan sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
HATIAN NG NATIONAL GOVERNMENT AT BARMM
- Ang bagong batas na ito ay may dalang pangakong pantay na pagbabahagi ng kayamanan ng rehiyon, awtomatikong taunang ‘block grant’ o pondo mula sa national government para sa pagpapatupad ng mga proyekto sa rehiyon, at para sa pangkalahatang pagpapalakas ang autonomiya ng Muslim Mindanao region. Maliban dito, magbibigay din ang gobyerno ng P5 bilyong piso sa Bangsamoro region kada taon sa loob ng ’10-year period’ para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng ‘conflict-affected areas’.
URI NG GOBYERNONG LOKAL
- Kung ang ARMM ay may unitary form of government, ang BARMM ay parliamentary-democratic.
- Sa ARMM, naghahalal ang mga residente ng gobernador at bise-gobernador na mayroong sariling gabinete at 24 member-advisory council habang sa BARMM ay maghahalal ang mga residente ng 80-member parliament na kakatawan sa iba-ibang partido, distrito, at sektor kabilang na ang mga katutubo. Ang mga miyembro ng parliyamento ay maghahalal naman ng Chief Minister at dalawang Deputy Chief Ministers na pipiliin din mula mismo sa mga miyembro nito.
SISTEMANG PANG-KATARUNGAN
- Sa justice system o sistemang pang-katarungan, kapwa (ARMM at BARMM) ibinibigay sa Shari’ah courts ang hurisdiksyon ng mga kasong kinasasangkutan ng mga Muslim sa rehiyon, habang binibigyan naman ng OLBARMM ang Korte Suprema ng awtoridad upang gawing kuwalipikado ang mga kasalukuyang hukom sa ilalim ng Shari’ah courts na hindi regular na miyembro ng Philippine Bar.
- Patuloy namang ipatutupad ang tinatawag na ‘tribal laws’ sa mga katutubo.
SEGURIDAD AT DEPENSA
- Sa usaping pang-seguridad at depensa, mananatiling responsibilidad ng national government ang buong Bangsamoro region; ang Pambansang Pulisya pa rin ang magpapatupad ng batas, kapayapaan at kaayusan sa rehiyon at ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ang may tungkulin na magtanggol laban sa mga kaaway ng estado tulad ng mga dayuhang tropa, terorista at mga rebelde.
Ano ang plebisito?
- Bagama’t isa nang batas ang Bangsamoro Organic Law, kinakailangan pa ring desisyunan ng mga residente sa Muslim Mindanao region kung tatanggapin nila ang batas o hindi, at ito ay sa pamamagitan ng plebisito.
- Sa plebisito, boboto ang mga residente kung pabor silang pagtibayin ang isang batas para sa pagpapatupad nito o di kaya naman ay pigilan o tuluyang ibasura ito.
- Nakatakdang isagawa ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law sa Enero 21, 2019 sa mga lugar na sakop ng ARMM (Lanao del Sur maliban sa Marawi City, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi), Isabela City sa Basilan at Cotabato City. Habang sa Pebrero 6, 2019 naman sa Lanao del Norte at ilang barangay sa North Cotabato.
- Ang resulta ng isasagawang two-part plebiscite ang magde-determina ng pag-ratipika o pagpapatibay sa BOL na magbibigay-daan naman para sa pagbuo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Transition Period
- Sakaling tuluyan nang ma-ratipikahan ang BOL sa pamamagitan ng plebisito, sa transition period ay inaasahang magtatalaga ang Pangulong Rodrigo Duterte ng 80 miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na mag-oorganisa naman ng interim Cabinet o pansamantalang gabinete.
- Ang unang lokal na eleksyon sa BARMM ay isasagawa sa 2022 at ang mga mahahalal na opisyal ay tuluyan nang papalitan ang BTA.
- Bagamat mananatili sa kapangyarihan ng national government ang ugnayang pang-labas, mga usaping pang-konstitusyon at depensa ay magkakaroon naman ng eksklusibong kapangyarihan ang BARMM sa ibang usapin kabilang na ang pagpasa ng kanilang taunang budget, usaping pang-agrikultura, justice administration, social services o serbisyong pang-lipunan, turismo, pang-industriya, karapatang pantao, usaping pang-teritoryo o economic zones, gawaing pampubliko at iba pa.
(Editor : Jun del Rosario)