UMAPAW sa dami ng tao ang football field sa Guimbal, Iloilo nitong Martes ng gabi matapos na daang libong taga-suporta ng UniTeam ang dumalo sa unang miting de avance na ginawa nang tambalang BBM-Sara UniTeam na bahagi ng pagtatapos ng 90-day campaign period para sa nalalapit na halalan.
Sinabi ni Partido Federal ng Pilipinas standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na numero 7 sa opisyal na balota, sa kanilang mga taga-suporta na masayang-masaya ang buong UniTeam na mas dumami pa ang sumama sa kanilang panawagan ng pagkakaisa ngayong patapos na ang kampanya.
“Hindi pa nagkaroon ng halalan, patapos pa lang tayo sa kampanya ay masasabi ko sa inyo, dahil sa inyong pagmamahal sa inyong kapwa Pilipino, dahil sa inyong pagmamahal sa Pilipinas ay hindi na kayo nag-antay na kami ay mahalal at ngayon pa lang ay nadarama na po namin na dahan-dahan po ang pagkakaisa na ng sambayanang Pilipino, dahan-dahan po nararamdaman po namin ang aming pangarap na magkaisa ang Pilipinas,” sabi ni Marcos.
Ipinaliwanag ni Marcos na pagkakaisa ang kailangan ng bansa upang masiguro ang magandang kinabukasan para sa mga Pilipino.
“Itong kilusan na ipapagpatuloy ninyo, ‘yan po ang magbibigay sa atin ng pag-asa na ang ating kinabukasan ay magiging mas maganda kaysa sa ating pinagdaanan natin nitong nakaraang dalawang taon,” aniya.
Habang nagtatalumpati ang presidential bet ng UniTeam ay sinasabayan din siya ng masasayang hiyawan mula sa mga taga-suporta gaya ng “Daog na (You already won)!,” “We love you, BBM!!!” at “Landslide na!”
Muling ibinahagi ni Marcos kung gaano siya kaswerte na makasama si Mayor Inday Sara Duterte dahil siya ang pinaka-kwalipikado, may kakayahan mamuno, masipag at may labis na pagmamahal sa bayan kumpara sa kanyang mga katunggali.
Sa kanilang talumpati, hiniling nina Marcos at Duterte sa mga mamamayang dumalo sa kanilang miting de avance na sila ay iboto kasama ang kanilang mga senatorial bets upang lubos nilang magawa ang kanilang trabaho upang madala ang bansa sa magadang kinabukasan matapos na maghirap dahil sa dumating na pandemiya.
“Sa darating na Lunes, nasa kamay ninyo ang kinabukasan ng ating minamahal na Pilipinas. Sa darating na Lunes, nasa kamay ninyo kung anong direksyon, kung saan natin dadalhin ang Pilipinas, kung ano ano ang ninanais natin na maging kinabukasan ng Pilipino, kung saan natin dadalhin ang Pilipinas. Kami po sa UniTeam ay humaharap muli sa inyo na kami ay tulungan ninyo,” sabi ni Marcos.
Nanawagan din siya sa kanilang mga taga-suporta na ipagpatuloy lang ang kanilang kilusan ng pagkakaisa at tulungan ang mga mahahalal na lider sa kung ano mang problemang kahaharapin ng bansa.
“Tayo ay magkapit-bisig, hindi lamang ang mga pangkaraniwang mga mamamayan kundi pati na ang mga namumuno ay dapat ay magtulungan at magkapit-bisig para humarap sa kahit pa anong problema,” wika niya.
Aniya pa na kahit matapos ang halalan, ay hindi dapat tumigil ang sambayanan sa ginagawa nilang kilusan ng pagkakaisa.
“Dahil kailangan pa rin ng ating mga kababayan, kailangan pa rin ng ating minamahal na Pilipinas ang inyong pagtulong sa isa’t isa, ang inyong pagmamahal sa isa’t isa, ang inyong kakayahan, sipag, ang lahat ng inyong sakripisyo at trabaho para pagandahin ang buhay ng bawa’t mamamayang Pilipino, pagandahin ang Pilipinas,” sabi ni Marcos.
Bago ang rally, sinabi ni Congresswoman Janette Loreto-Garin, na ang buong pamilya ay sumusuporta sa UniTeam, na tiwala siyang mananalo si Marcos sa Iloilo kahit na kilala itong balwarte ng mga dilawan.
“At the least, 50-50 dito. Pero malaki ang possibility na lumamang pa si BBM dito,” sabi ni Garin.
Samantala, ang kanyang asawa at dating mambabatas na si Richard Garin na ngayon ay tumatakbong alkalde sa munisipalidad ng Miagao, ay naniniwalang si Marcos lang ang makakatulong upang mapaganda at maisaayos ang bansa.
Dagdag pa niya, ang mga prinsipyo ni Marcos ay kagaya sa kanya na pangangampanya para sa maayos na bansa at sa larangan ng politika.
“Magka-align ang principles namin na magkaroon ng better kind of politics dito, ‘yung hindi nagsisiraan, hindi nagbibitaw ng masasakit na salita. ‘Yan ang dapat ipamana natin sa susunod na henerasyon, This is not a fight between Marcos and his opponents. This is a fight for what is good for Filipinos and what the country really needs,” sabi ng dating mambabatas.