Inaasahang aabot sa daang libong motorista na uuwi sa kani-kanilang probinsya ang dadaan sa mga expressway simula ngayong araw.
Ito ay batay sa Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC) kung saan simula na umano ang tinatawag na “peak season” para sa Undas.
Tinatayang aabot sa 200,000 ang dadaang sasakyan kada araw sa Manila-Cavite Expressway mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 2.
Inaasahang papalo naman sa 280,000 ang bilang ng mga gagamit ng North Luzon Expressway (NLEX) habang nasa 350,000 ang dadaan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway.
Dahil dito, magdaragdag ng quick response team ang MPTC para sumaklolo kapag may sakuna.