Nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na panandaliang tulong pa lamang ang naipagkaloob nila sa mga magsasakang naapektuhan ng bagyong Lawin sa Cagayan, Isabela at Ilocos Norte.
Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, kasalukuyan pa nilang pinag-aaralan ang estado ng mga produktong pananim noong tamaan ito ng bagyo upang malaman ang tunay na pangangailangan ng mga magsasaka at maging ng mga mangingisda.
Halimbawa anya sa Ilocos Norte, isang beses lamang kada taon ang pagtatanim doon ng palay kayat sa ngayon ay mas kailangan nila ng binhi ng gulay at livestock o alagang hayop.
Sa Region 2 pa lamang anya ay aabot na sa 6 na bilyong piso ang halaga ng nasirang pananim at pinangangambahan nilang umakyat pa ito.
Samantala, nakatali ang kamay ng DA sa pagtaas ng presyo ng gulay.
Ayon kay Piñol, ang pagtaas ng presyo ng gulay ay normal na reaksyon lamang nito sa lagay ng merkado.
Tobacco industry
Tuloy ang suporta ng Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka ng tabako.
Tiniyak ito ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa kabila ng nationwide smoking ban na planong ipatupad ng Duterte administration.
Ayon kay Piñol, mayroon pa ring tiyak na merkado para sa tabako bukod pa sa maraming magsasaka lalo na sa Ilocos Region ang nakadepende ang kabuhayan sa tabako.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas