Kasado na bukas ang muling dagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa bansa.
Ayon sa ilang kumpaniya ng langis, maglalaro sa 75 centavos hanggang Piso ang magiging dagdag-singil sa presyo ng kada litro ng gasolina.
Nasa P1.30 centavos hanggang P1.50 centavos naman ang magiging dagdag-presyo sa kada litro ng kerosene.
Samantala, aabot naman sa 25 centavos hanggang 50 centavos ang magiging bawas sa presyo ng kada litro ng diesel.
Nabatid na ito na ang pangalawang sunod na linggo na magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng kerosene at gasolina kung saan, posible pa itong magpatuloy hanggang sa buwan ng Disyembre.
Ayon kay Atty. Rino Abad, Director ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy, ang paggalaw sa presyo ng langis ay bunsod pa rin ng patuloy na bakbakan sa pagitan ng Russia at Ukraine, bantang pagbabawas ng produksiyon ng langis ng mga miyembro ng Oil Producing Exporting Countries (OPEC), at ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.