Epektibo na ngayong araw ang dagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo.
Ayon sa kumpaniyang Pilipinas Shell Petroleum, Seaoil Philippines, Flying V, Petro Gazz, Jetti Petroleum, PTT Philippines, Unioil, at Clean Fuel nasa 90 Centavos ang magiging dagdag sa presyo ng kada litro ng gasolina.
Aabot naman sa 30 centavos ang bawas-singil sa presyo ng kada litro ng diesel habang P1.35 centavos naman ang magiging tapyas sa presyo ng kada litro ng kerosene.
Una nang nagpatupad sa presyo ng petrolyo ang Caltex alas-12 kaninang madaling araw na sinundan naman ng iba pang mga kumpaniya ng langis kaninang alas-6 ng umaga.
Magpapatupad din ng kaparehong presyo ang kumpaniyang Cleanfuel mamayang alas-4 ng hapon.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang year-to-date increase sa kada litro ng gasolina ngayong linggo ay pumalo na sa P17.25; P36.30 sa kada litro ng diesel; at P28.60 naman sa kada litro ng kerosene.
Nabatid na ito na ang pangalawang sunod na linggong pagtaas sa presyo ng gasolina na posible pang magpatuloy hanggang sa buwan ng Disyembre.
Ayon kay Atty. Rino Abad, Director ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy, ang paggalaw sa presyo ng langis ay bunsod pa rin ng Russia at Ukraine War, bantang pagbabawas ng produksiyon ng langis ng mga miyembro ng Oil Producing Exporting Countries (OPEC), at ang pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.