Tutol si Senador Antonio Trillanes sa dagdag na buwis na pinaplanong ipataw sa mga produktong petrolyo at iba pa, dahil dagdag pahirap lang, aniya, ito sa mga Pilipino.
Sa panayam ng programang Balita Na, Serbisyo Pa ng DWIZ, sinabi ng senador na hindi kailangang dagdagan ang buwis.
Mas mainam aniyang ayusin muna ang sistema ng pangongolekta ng buwis dahil, batay sa datos ng Bureau of Internal Revenue o BIR, daan-daang bilyong piso ang hindi pa nakokolekta.
“Unang-una kinukontra natin itong mga panukalang ito dahil ito ay dagdag pahirap sa mga kababayan natin. Pag-usapan na lang natin kahit yung dagdag lang na excise tax na P6 per liter kada litro ng diesel, gasolina at LPG, yun palang malaking kalbaryo na yan kase ang mangyayare diyan ay aakyat rin ang presyo ng pamasahe at ng mga bilihin at pati kuryente, so, talagang hindi kakayanin ito ng mga kababayan natin, so, kinukontra natin yan”, pahayag ni Trillanes.
“Unang-una hindi ito kailangan at kung aayusin muna nila yung collection system natin kase nga base dun sa datos mismo ng BIR (Bureau of Revenue) under collecting sila ng daan-daang bilyong piso, so yun muna dapat ang unahin”, dagdag pa ni Trillanes.
Sa usapin naman ng pagponpondo sa mga imprastraktura, iminungkahi ni Trillanes ang public-private-partnership kung saan pribadong sektor ang nagbibigay ng kapital.
“Yung sinasabi naman nilang mga pagpondo sa infrastructure ay pwede naman nilang gamitin yung mode ng pagpondo na ginawa nuong nakaraang administrasyon yung tinatawag na public-private-partnership o yung PPP, ang nagyare noon ay ang nagpopondo, nagbibigay ng kapital ay yung private sector at marami pang modes ng pag ri-raise ng kapital so ilan lang yan sa mga dahilan kung bakit natin kinukontra ito”, ani Trillanes.
By: Avee Devierte / Race Perez
Credits to: Balita Na, Serbisyo Pa program sa DWIZ mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes, 5:00 PM to 7:00 PM kasama sina Jun Del Rosario at Mariboy Ysibido