Isinusulong ng Department of Health ang karagdagang buwis sa junk food at sweetened beverages, bilang solusyon kontra obesity o katabaan at upang mapataas ang revenue para sa Universal Healthcare Program.
Ayon kay DOH Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mababawasan din ang konsumo sa mga nasabing produkto, kung papatawan ng dagdag-buwis gaya ng alcoholic drinks at tobacco products.
Batid naman anya ng lahat ang epekto sa kalusugan nang labis na pag-konsumo ng junk foods at sweetened beverages.
Ipinaliwanag ni Vergeire na marami ng mga pag-aaral na kapag naumpisahan ng bata ang mga ganitong uri ng pagkain, lumalaking obese ang mga ito at lantad sa iba’t ibang non-communicable diseases.
Wala namang inilatag na partikular na proposal ang DOH sa dagdag-buwis, pero inihayag ng opisyal ng kagawaran na ang additional revenue ay gagamitin upang pondohan ang Universal Healthcare Law.
Sa ilalim ng nasabing batas, otomatikong naka-enroll ang lahat ng Filipino sa National Health Insurance Program.