Nagpaabiso na si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ricardo Marquez hinggil sa pagdami ng checkpoints ngayong Kapaskuhan.
Ito ayon kay Marquez ay para huwag nang magulat ang publiko sa mga nagkalat na checkpoints ng PNP.
Dahil dito, nanawagan si Marquez sa publiko lalo na sa mga motorista na makipagtulungan sa mga otoridad sa checkpoint operations lalo na kapag nagsimula na ang tradisyunal na Simbang Gabi.
Additional force
Kaugnay nito, 400 dagdag na pulis ang ikakalat sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa susunod na linggo.
Sinabi ni PNP Chief Director General Ricardo Marquez na ipo-poste sa malalaking simbahan sa kalakhang Maynila ang mga naturang pulis bilang bahagi ng Oplan Ligtas Paskuhan.
Ayon kay Marquez, tiyak na dadagsain ng mga debotong Katoliko ang mga simbahan sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa December 16.
Bukod sa mga simbahan, pinasisiguro rin ni Marquez ang presensya ng mga pulis sa mga matataong pamilihan tulad ng Divisoria, Baclaran, paligid ng malls at iba pang bilihan ng Christmas items.
By Judith Larino | Jonathan Andal