Ipinag-utos na ng Department of Transportation (DOTr) sa EDSA consortium na dagdagan ang bus unit upang mas maraming pasaherong maserbisyuhan.
Ito’y matapos ang mapaulat ang napakahabang pila ng mga pasahero na nag-aabang ng bus noong nakaraang Biyernes.
Ayon kay Transportation Asst. Sec. Goddess Libiran, bukod sa pagbuhos noon ng ulan, marami talagang pasahero ang tumatangkilik ng Libreng Sakay ng EDSA carousel kaya napakahaba noon ng pila lalo’t rush hour.
Dahil aniya rito pinadadagdagan ni Sec. Art Tugade ang bus unit sa EDSA upang maiwasan nang mangyari muli ang dinanas na hirap na iyon ng mga pasahero.
Inutos din ni Sec. Tugade na siguraduhin ang ating EDSA consortium na sila ay makakapag-deploy ng bus units para ihatid yung ating mga pasahero. Alam natin ngayon na nasa pandemic tayo so, hindi natin naman pwedeng punuin yung ating mga bus pati ang ating mga tren saka meron pa din tayong sinusunod na physical distancing measures,” ani Libiran.
Maliban sa pagdagdag ng mga bus, pinadagdagan din ni Tugade ang mga “mini loops”.
Para hindi na, yung ibang mga bus hindi na tapusin yung entire stretch kapag halimbawa mayroong mga stations na sobrang haba ng pila makakaikot agad yung mga bus natin para makasaklolo din sa mga pasahero,” ani Libiran.