Inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na papayagan nang bumiyahe ang mas maraming UV Express (UVE) units sa Metro Manila at provincial buses mula Davao City simula ika-23 ng Nobyembre.
Batay sa abiso ng LTFRB, tinatayang mahigit 400 UV express ang inaasahang makakabiyahe na mula sa anim na ruta na kinabibilangan ng C65 Calumpit (Bulacan) – CIT (Quezon Avenue; C66 Cogeo – Cubao via Marcos Highway; C67 Cubao-Padilla via Ermin Garcia, Marcos Highway at iba pa.
Magbabalik-operasyon din ang 20 provincial buses sa dalawang ruta sa lungsod ng Davao City kasama na ang Davao City-Tacloban City at Davao City-Ormoc City.
Samantala, nilinaw ng LTFRB na walang ipatutupad na taas-pasahe sa mga UV Express at provincial buses.
Muli namang nagpaalala ang ahensya sa mga PUV drivers, sa mga konduktor at sa mga pasahero na sumunod sa health protocols kung bibiyahe o habang nasa biyahe.