Lagda na lamang ni Pangulong Benigno Aquino III ang hinihintay upang madagdagan ang tinatanggap na honorarium ng mga public school teacher na nagsisilbing Board of Election Inspector tuwing halalan.
Sa ilalim ng Election Service Reform Act o ESRA na inadopt ng Kamara sa Senate version, hindi na rin sapilitan o gagawing voluntary ang pagseserbisyo ng mga guro kapag eleksyon sa halip na compulsory.
Ayon kay ACT Teachers Partylist Representative Antonio Tinio, principal author ng bill, isa itong malaking tagumpay para sa mga guro sa pampublikong paaralan.
Alinsunod din sa panukalang batas, sa oras na magkulang ng mga guro ay magtatalaga ang Commission on Elections Private School Teachers; National Government Employees, mga miyembro ng COMELEC-Accredited Citizens’ Arms at kahit anong qualified registered voter na walang partisan political affiliations.
Itataas din ang honoraria ng mga BEI Chairman sa P6,000 pesos mula sa kasalukuyang P3,000 pesos at P5,000 pesos mula sa kasalukuyang P3,000 pesos para sa mga BEI member.
Gayunman, umaasa pa rin si Tinio na pagbibigyan ang kanilang hirit na itaas ang sahod ng mga public school teacher.
By Drew Nacino