Magtatayo ang pamahalaan ng karagdagang mga modular facilities para tanggapin ang mga indibidwal na dinapuan ng COVID-19 na hindi na ma-admit sa mga pagamutan dahil okupado na ang mga bed capacity nito.
Ayon kay National Task Force against COVID-19 Spokesman, Retired Major General Restituto Padilla na ang mga modular facilities na ito ay bukod pa sa mga itinayo ng DPWH sa mga ospital.
Mababatid na kabilang sa mga ospital sa National Capital Region (NCR) ang nanghihingi na ng karagdagang mga modular facilities ay ang mga sumusunod:
San Lazaro Hospital;
Tondo Medical Hospital;
National Center for Mental Health;
Lung Center of the Philippines, at iba pa.
Mababatid na bago pa nito, ay kali-kaliwa na ang panawagan ng mga mambabatas na sa pamahalaan na tutukan ang lumalalang sitwasyon dala ng pandemya.
Ayon kay Senador Sonny Angara, dapat ay agarang maitaas ang bed capacity sa mga ospital sa bansa para wala nang mga pasyente pa ang matatanggihang ma-admit at mabigyan ng agarang atensyong medikal.
Habang si Senador Joel Villanueva naman ay iginiit na dapat magkaroon ng ‘battle plan’ ang pamahalaan para tuluyang ma-decongest ang mga pagamutan sa mga lugar na nasa enhanced community quarantine (ECQ) dahil aniya ‘completely overwhelmed’ na ang mga ito.