Muling umapela ng dagdag na compensation ang grupo ng mga nurses sa pamahalaan.
Ayon sa kay Philippine Nurses Association o PNA President Melbert Reyes, hindi sumasapat ang natatanggap na sahod ng mga health workers na patuloy na nagbibigay serbisyo sa bansa para labanan ang banta ng Covid-19.
Aniya, pagod na ang mga Filipino nurse na nasa pribado at pampublikong ospital dahil bukod sa kakulangan sa kanilang mga allowance ay hindi din nila nararamdaman ang pagpapahalaga sakanila ng pamahalaan.
Sinabi pa ni Reyes, na napipilitang magtrabaho sa ibang bansa ang mga nurse dahil masyadong mababa ang kanilang sinasahod kung ikukumpara ito sa ibang mga bansa.
Isa din ito sa mga dahilan kung bakit maraming mga nurse ang nagreresign gayong mas kailangan ang mga ito sa gitna ng pandemiya. — Sa panulat ni Angelica Doctolero