Iginigiit ng Philippine National Taxi Operators Association ang dagdag na P10 sa flagdown rate ng mga taxi dahil na rin sa pagtaas ng gasolina dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.
Ayon kay Bong Suntay, pangulo ng nasabing grupo, halos walong taon na rin ang singil nila sa mga pasaherong sumasakay ng metered taxi bagamat mayroon silang petisyon noon pang isang taon para magtaas ng singil.
Sinabi sa DWIZ ni Suntay na wala na silang nakukuhang mga driver dahil sa halos wala na ring kita sa kasalukuyang operasyon ng metered taxi.
“Napatunayan namin na 50 porsyento na lang ng mga taxi ang bumibiyahe, dahil wala na talaga kaming makuhang driver na willing magbiyahe ng taxi dahil wala nang kinikita using the 2010 rate, dahil sa approval ng TRAIN at yung pagtaas sa gasoline na dulot nito ang mungkahi sana namin ay magdagdag ng P10 sa flagdown lang naman, so dun sa dating P40 na flagdown, magdadagdag ng P10 para maging P50 ang flagdown.” Ani Suntay
Idinagdag ni Suntay na marami nang driver ang lumipat sa Grab at Uber na mas up to date ang kita at hindi aniya pupuwedeng kuwestyunin ang surge pricing nito dahil hindi metro ang gamit ng mga transport network vehicle kundi app.
Samantala, inihahanda ng grupong Lawyers for Commuters Safety and Protection o LCSP ang kanilang apela kontra sa hirit na dagdag-pasahe ng mga transport group.
Ayon kay Atty. Ariel Inton, founding president ng LCSP idudulog nila sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB kaugnay sa hiling na taas pasahe ng mga jeep at taxi.
Giit ni Inton masyadong mabigat sa mga commuters ang P12 minimum fare sa jeep gayundin ang P16 pasahe kada kilometro sa taxi.
Hindi pa rin aniya nareresolba ng LTFRB ang naunang petisyon ng ilang transport group kaugnay sa taas pasahe habang kaaapruba lang ang fare hike sa taxi.
(Balitang Todong Lakas Interview / Jaymark Dagala)