Inihirit ni Senador Nancy Binay sa Senado na pag-aralan ang dagdag na pondo sa Department of Education para sa libreng COVID-19 testing ng mga guro.
Binigyang-diin ng Senadora na dapat paglaanan ng pondo ang lahat ng mga kinakailangan ng mga paaralan upang matiyak na walang guro at mag-aaral na malalagay sa panganib ang kalusugan sa gitna ng COVID- 19 pandemic.
Una rito, inihayag ni DepEd Undersecretary Reysee Escobedo na nakikipag-ugnayan na ang mga Regional at Division offices nila sa mga lokal na pamahalaan at health units para sa sapat na suplay ng Antigen kit na maaaring magamit ng mga guro.
Sa gitna ito ng pag-amin ng opisyal, na maliit lamang ang pondong maaaring gamitin ng mga paaralan para sa COVID testing na manggagaling sa kanilang maintenance at iba pang operating expenses. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)