Pag-aaralan muna ng Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB) ang epekto ng muling pagbubukas ng ilang ruta ng provincial buses sa Metro Manila.
Ito ang inihayag ng ahensiya bago nila talakayin ang expansion o pagpapalawig sa operasyon ng mga bus.
Ayon kay LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano, kanila munang tututukan sa kasulukuyan ang pagpapatupad ng memorandum na nagsasaad ng pagbabalik operasyon ng 286 na mga provincial bus sa labing dalawang ruta sa pagitan ng Metro Manila, Region 3 at 4-A.
Aniya, kanilang pag-aaralan ang epekto ng pagbabalik ng ilang units at ruta ng mga provincial bus sa unang mga araw ng implementasyon nito bago magpasiya sa pagdaragdag o pagpapalawig.
Una nang sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra III na nakapaloob sa ipinalabas nilang memorandum ang mga inilatag na panukala at kondisyon ng mga lokal na pamahalaan na pumayag na buksan ang kanilang lugar sa provincial buses.
Ani Delgra, may mga LGU’s ang nagbigay lamang ng maximum na bilang mga units na bus na kanilang papayagang makapasok sa kanilang lugar kada araw.