Tiniyak ng pamahalaan na madaragdagan pa ang ruta ng mga bus na pinapayagan nang bumiyahe sa loob ng Metro Manila sa mga susunod na araw.
Ito ay upang matugunan ang nararanasang hirap ng mga mananakay kasunod ng pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ).
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra, naka-monitor ang buong transportation department sa sitwasyon.
Aniya, tuloy-tuloy ang kanilang ginagawang assessment, pag-aaral at pagpaplano sa mga posibleng dagdag na ruta ng mga bus.
Dagdag ni Delgra, nakikipag-ugnayan na ang mga ahensiya sa ilalim ng DOTr sa mga kumpaniya ng bus para sa nabanggit na plano.
Sa unang phase ng pampublikong transportasyon sa Metro Manila simula kahapon hanggang June 22, tanging ang metro railway systems, bus augmentation, taxi, ride hailing na mga sasakyan, point-to-point buses at shuttle services pa lamang ang pinapayagang bumiyahe.