Pabor ang Department of Education o DEpEd sa isinusulong na panukala ni Senador Richard Gordon na gawing siyam ang sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas mula sa kasalukuyang walo na sumisimbulo sa walong lalawigang nag-alsa laban sa pamamayagpag ng mga Espanyol.
Ito’y ayon sa senador ay para bigyang pagkilala ang mga bayaning Muslim na una nang nakibaka para sa kasarinlan ng Pilipinas bago pa man ito tuluyang nasakop ng mga dayuhang banyaga.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, matagal nang pagkakautang ng Pilipinas at ng mga Pilipino ang pagkilala sa mga bayaning Muslim na karaniwang hindi nabibigyang pansin sa mga aralin.
Magugunitang tinukoy ni Gordon sa kaniyang panukala na mayroon nang Lapu-Lapu, Sultan Kudarat, Datu Amay Pakpak at iba pang mga Muslim na nag-alay ng buhay para sa mga Pilipino.
Pero para sa historyador na si Dr. Michael Xiao Chua, hindi siyam kung hindi dalawandaang sinag ang dapat ilagay sa araw ng watawat kung nais talagang sundin ang panukala ni Gordon.
Ito’y dahil ganoong karami na ang nangyaring labanan bago pa man aniya sumiklab ang digmaan o rebolusyon ng mga Pilipino laban sa mga Espanyol noong taong 1896.
—-