Malugod na tinatanggap ng Department of Education (DepEd) ang pag-apruba ng Commission on Elections (COMELEC) sa pagbibigay ng karagdagang honoraria sa mga piling guro na nag-extend ng oras noong nakaraang eleksyon.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones at Election Task Force Chair at Undersecretary for Administration Alain Del Pascua, agad silang nakipag-ugnayan sa Comelec sa panukala nitong pagbibigay ng nararapat na pasahod sa mga gurong pinalawig ang oras ng serbisyo dahil sa aberya sa Vote Counting Machines (VCMs) at SD card.
Batay sa utos ng COMELEC, ang poll workers ay tatanggap ng karagdagang 2,000 pesos honoraria across the board.
Bagama’t ito ay mas maliit sa orihinal na panukala na 3,000 pesos, nagpapasalamat pa rin ang kagawaran sa komisyon sa pakikinig sa kanilang panawagan para sa kapakanan ng mga guro.
Samantala, nakikipagtulungan ang DepEd sa COMELEC at Kongreso para magtatag ng mas kapaki-pakinabang na mga probisyon na may kaugnayan sa botohan para sa mga guro na nakatuon sa proteksyon ng kasagraduhan ng boto ng mga Pilipino.