Inaprubahan na kagabi sa ikalawang pagbasa ng kamara ang panukalang batas ni Senior Citizen Partylist Representative Rodolfo Ordanes ang dagdag na P500 sa pensyon ng mga mahihirap na senior citizens.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ordanes na maliit lang na halaga ang karagdagang P500 para maisaayos ang pamumuhay ng naturang sektor lalo pa’t karamihan sa kanila ay hindi na rin nakakapaghanap-buhay.
Mababatid na isang hakbang na lamang ang kinakailangan sa kamara para makalusot na ang naturang panukala at magbibigay daan para pumalo na sa P1,000 ang matatanggap na pensyon ng mga senior citizens.
Sa huli, buo ang tiwala ni Ordanes na oras na umabot na sa Senado ang naturang panukala ay agad ding makalulusot ito sa mataas kapulungan lalo na’t may inihaing kahalintulad na panukala ang liderato ng Senado.