Nagpahiwatig ang Pasang Masda na hihirit sila ng dagdag-pasahe sa sandaling payagan na ang pagbiyahe ng mga jeepney.
Ayon kay Obet Martin, pangulo ng Pasang Masda, lugi ang operators at drivers sa limitadong bilang ng pasahero na maisasakay sa jeepney sa ilalim ng tinatawag na new normal.
Sinabi ni Martin na napakalaking adjustment ang kailangan nilang gawin subalit susunod naman anya sila sa mga patakaran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Maliban sa pagkalugi, sinabi ni Martin na siguradong marami pa silang haharaping problema dahil mahihirapan silang pigilan ang mga pasahero sa pagsakay.
Sa ngayon ay pinapayagan na ang pagbiyahe ng mga modern jeepney sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine subalit kalahati lamang ng kapasidad nito ang puwedeng isakay.