Welcome sa ilang grupo ng mga jeepney operators ang pag-apruba ng LTFRB, sa petisyong taas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Ito ay matapos itaas ng LTFRB sa P12 ang minimum fare sa mga traditional na dyip, P14 sa modern jeepneys; 13 pesos sa mga ordinary city bus; P15 sa mga air-conditioned city bus; P45 sa mga taxi at sedan-type na tnvs o transportation network vehicle service; at P55 naman sa mga auv/suv-type na tnvs.
Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, malaking tulong ang naturang desisyon sa gitna ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Agad namang nagpaalala si Martin sa kanilang mga miyembro na hindi pa maaaring ipatupad ang fare hike, dahil hinihintay pa ang opisyal na fare matrix mula sa LTFRB.
Samantala, maliban sa Pasang Masda, nakukulangan naman ang Liga ng Transportasyon at operators sa Pilipinas (LTOP) sa inaprubahang taas-pasahe.
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni Orlando Marquez, presidente ng LTOP, na imbes na itaas sa dose pesos ang minimum fare na pasahe sa mga dyip, dapat ay itaas ito sa disi-sais.