Umapela ang Department of Migrant Workers ng dagdag-pondo para sa kanilang capital outlay sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng Senado sa 2023 budget NG DMW, tinukoy ni Undersecretary for Finance and Internal Affairs Atty. Maria Anthonette Velasco-Allones na malaki ang binawas ng Department of Budget and Management sa kanilang orihinal na budget proposal.
Mula sa P7.938 billion na ipinanukala ng DMW, aabot lamang sa P3.509 billion ang inaprubahan ng DBM.
Ayon naman kay Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople, kailangan ng dagdag-pondo lalo na sa capital outlay ng ahensya dahil magtatayo pa sila ng mga regional offices.
Bukod pa anya ito sa mga ospital para sa mga ofw at kanilang mga pamilya at surveillance laban sa mga illegal recruiter.
Nasa P460.4 million ang hirit na pondo ng DMW sa kanilang capital outlay pero P50.5 million lang ang ibinigay ng DBM o 89% ang ibinaba mula sa original proposal.
Kukulangin din ang nasabing pondo dahil plano ng ahensya na maglunsad ng ‘digitalization’ upang masawata ang korapsyon at mapadali ang proseso ng pag-a-apply ng mga ofw. —- Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)