Isinusulong sa kamara de representates ang panukalang batas na naglalayong dagdagan ng 55 milyong piso kada taon ang pondong nakalaan para sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Nakasaad sa House Bill Number 1982, tatlong ahensya ng pamahalaan ang hinihiling na dagdagan ang pondo para sa mas maigting na pagpapatupad ng war on drugs.
Kabilang dito ang 30 milyong pisong dagdag na pondo kada taon ng Department of National Defense para sa pagpapalawig ng mga aktibidad at programa nito na may kinalaman sa pagpigil ng mga kalakaran ng iligal na droga.
Gayundin, nakapaloob dito ang isinusulong na 15 milyong pisong karagdagang pondo ng Bureau of Customs at 10 milyong piso para sa Philippine Coastguard para naman sa pagharang na makapasok sa bansa ang mga iligal na droga.
Naniniwala naman ang pangunahing may akda ng House Bill Number 1982 na si Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing na makatutulong ang alokasupn ng karagdagang pondo sa nasabing tatlong ahensya para sa pagpapatupad ng mas magandang polisiya laban sa iligal na droga.