Isusulong ni senatorial candidate at dating vice president Jejomar Binay ang paglalaan ng pondo para maging miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) ang mga college student na walang kakayahang kumuha ng medical insurance.
Ito ang inihayag ni Binay matapos gawing kundisyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagkuha ng medical insurance sa kolehiyo bago payagan sa face-to-face classes ang mga mag-aaral.
Ayon sa dating bise-presidente, hindi lahat ng college student ay may kakayahan na magbayad ng medical insurance, lalo’t marami sa kanilang mga magulang ang nawalan ng trabaho dahil sa Covid-19 pandemic.
Ang paglalaan anya ng pondo para maging PHILHEALTH member ang mga college student ay isa sa magiging prayoridad niya sa senado.
Si Binay ay tumatakbong senador sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA).