Nagpahayag ng suporta ang mga miyembro ng Committee on Appropriations na dagdagan ang pondo para sa Commission on Human Rights (CHR) sa ilalim ng panukalang 2023 budget.
Ito’y upang higit anilang magawa ng komisyon ang layunin nitong maprotektahan ang karapatang pantao at iba pang tungkulin nito sa bansa.
Kasunod ito ng tapyas pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa komisyon sa taong 2023 na naging P862-M na lamang mula sa panukalang P1.6-B panukala nito.
Kabilang sa mga mambabatas na nagsusulong upang taasan o ibalik ang orihinal ng panukalang pondo ng CHR sina Albay 1st District Rep. Edcel Lagman na itinutulak na ibalik ang proposed 2023 budget ng komisyon.
Gayundin si Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas nais padagdagan ang pondo kung hindi man ma-realign sa 2022 budget, si Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na nais taasan ng P200-M ang pondo ng CHR.
Habang nagpahayag din ng suporta si Act Teachers Partylist Representative France Castro at Vice Chairperson Jocelyn Limkaichong kaugnay sa hirit na taas budget para sa komisyon. - sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)