Nakaamba na naman ang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo, bukas, Martes, ika-6 ng Oktubre.
Ito na ang ikatlong sunod na linggong pagpapataw ng karagdagang presyo sa mga naturang produkto.
Sa magkahiwalay na abiso ng Pilipinas Shell Petroleum Corp. at Seaoil Philippines Inc., kapwa ipinabatid ng mga ito ang karagdagang P0.10 sa kada litro ng kanilang gasolina, habang P0.20 naman sa kada litro ng kerosene.
Wala namang pagbabago sa presyo ng diesel.
Bukod sa mga nabanggit na kumpanya, magpapatupad din ng kaparehong taas-presyo ang Petro Gazz, bukod sa kerosene na hindi kasama sa kanilang produkto.
Nakatakda namang ilarga ang naturang oil price hike, alas-6 ng umaga bukas.
Samantala, hindi naman magkakaroon ng paggalaw sa presyo ng kanilang produkto ang Cleanfuel, habang wala pang inilalabas na anunsyo ang ilan pang oil companies.