Nagbabadya na ring magmahal ang processed canned meat at iba pang processed meat products, gaya ng hotdog, sausage at longganisa sa mga supermarket.
Bunsod ito ng inihaing petisyon sa Department of Trade and Industry (DTI) ng mga manufacturer na humihiling ng dagdag-presyo.
Kinumpirma ng Philippine Association of Meat Processors Incorporated (PAMPI) na P1.50 hanggang P2.00 ang hirit nilang price increase kada 150 grams.
Ayon kay PAMPI Vice President Jerome Ong, ang mas mahal na imported mechanically-deboned meat, paghina ng piso at giyera sa Ukraine ang nagtulak sa kanila upang magtaas na rin ng presyo.
Damay din anya sa price hike ang hotdog, sausage at iba pang kahalintulad na produkto.
Samantala, inihayag ni DTI-Consumer Protection Group Officer-In-Charge Ann Claire Cabochan na pinag-aaralan na nila ang petisyon ng mga manufacturer.