Inihihirit ng grupo ng mga panadero sa Department of Trade and Industry (DTI) ang dagdag-presyo ng mga tinapay sa gitna ng pagmahal ng presyo ng harina.
Ayon sa grupong Philippine Federation of Bakers Association Inc. (PFBA), ilang taon nang natengga ang presyo ng pinoy pandesal at pinoy tasty kung saan, noong taong 2016 pa nanatili sa 35 pesos ang isang loaf ng pinoy tasty habang 21.50 pesos naman ang kada sampung piraso ng pinoy pandesal.
Sa pahayag naman ng Philippine Baking Industry Group (Philbaking), tumaas ang presyo ng mga sangkap sa paggawa ng tinapay kung saan, nasa P1,030 kada sako mula sa P800 noong nakaraang Disyembre ang presyo ng harina; nasa P1,100 ang kada sako ng class a flour habang tumaas din ng P50 ang kada sako ng asukal.
Sinabi ng Philbaking na sana ay payagan silang magtaas ng presyo sa pinoy tasty ng P4.50 at pinoy pandesal ng P3.50 dahil malaki na ang kanilang sinakripisyo sa kabila ng patuloy na tumataas na presyo sa mga raw materials ng tinapay.