Isinusulong ni Senador Imee Marcos na madagdagan pa ang mga itinuturing na krimen laban sa mga miyembro ng LGBT community.
Nakasaad sa inihaing Senate Bill 412 ni Marcos na ang panggigipit ng mga tagapagpatupad ng batas sa mga LGBT members ay may kaakibat na parusa.
Nakapaloob din sa panukala ang pagtatakda ng mga gender neutral toilets tulad ng mga palikuran para sa mga taong may kapansanan para hindi mapahiya ang mga transwoman.
Bukod dito, nais maparusahan ni Marcos ang mga eskuwelahan na tumatangging pumasok sa kanila ang isang bata dahil sa sexual orientation ng kaniyang mga magulang o guardian.
Gayundin, ang pagbabawal sa isang bata na ilantad ang kaniyang gender identity, ang hindi pagtanggap sa kanila sa pagbibigay serbisyo publiko kasama na ang pagpasok sa military service at ang paglalantad ng sexual orientation ng isang miyembro ng LGBT community ng hindi ipinagpapaalam sa kaniya.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng hindi hihigit sa 100,000 piso o kulong na isa hanggang anim na taon.