Nagpadala na ng dagdag-puwersa ang Philippine National Police (PNP) sa Abra at iba pang lugar para tumulong sa ating mga kababayan na apektado ng lindol.
Pinangunahan ni PNP OIC Police Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ang send-off ceremony sa Kampo Krame para sa deployment ng mga pulis na mamamahagi ng ayuda tulad ng tubig at pagkain.
Mismong si Danao ang nagkusa na magpadala ng team sa Abra para tulungan ang mga residente na makabangon.
Sinabi ni Danao na mahalaga ang relief goods na dala ng mga pulis dahil wala pa ring sapat na supply ng pagkain at tubig sa lugar, lalo na sa mga nasa evacuation centers.
Samantala, nanawagan naman sa New People’s Army (NPA) si Danao na huwag galawin ang mga tropa ng pamahalaan na mamimigay ng tulong sa mga apektadong komunidad.—mula sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)