Walang nakikitang problema ang Department of Health (DOH) sa muling pagbubukas ng ilang ruta ng mga pampasaherong bus basta’t matitiyak ang pagsunod sa mga umiiral na health protocols.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kabilang aniya rito ang pag-check sa posibleng sintomas ng pasahero at mahigpit na pagpapatupad sa palagiang pagsusuot ng face masks at face shields.
Kinakailangan din aniya ang pagkakaroon ng isang metrong distansya sa pagitan ng mga pasahero.
Sinabi ni Vergeire, pangunahing tungkulin nila ang matiyak ang kaligtasan ng lahat sakaling buksan na ang iba pang sektor ng lipunan kaya kinakailangan din ang pag-monitor sa magiging resulta nito.
Pagtitiyak pa ni Vergeire, kinokonsulta ng ibang ahensiya ng pamahalaan ang DOH bago ipatupad ang pagpapaluwag sa ilang umiiral na restriksyon kontra COVID-19.