Hinimok ni Senador Antonio Trillanes ang pamahalaan na gawing lahatan sa halip na paisa-isa ang pagtataas sa sahod ng mga nanunungkulan sa gobyerno.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Budget and Management (DBM) na humanap ng paraan para maitaas ang sahod ng public school teachers kasunod ng umento sa sahod ng mga sundalo at pulis.
Giit ni Trillanes, naghain na siya ng panukalang batas sa Senado na naglalayong itaas ang sahod ng lahat ng civil servants para maiwasan ang ‘wage distortion’.
Nauna dito, sinabi ni Senador Franklin Drilon na maaaring magdulot ng pagka – demoralisa sa ibang sektor ng gobyerno ang pagtataas sa sahod ng ilan habang ang iba ay wala.