Umapela ang grupo ng mga guro sa Department of Education (DEPED) kaugnay sa pagbibigay ng karagdagang sahod o service credit sa mga guro na magpapasilidad sa remedial classes.
Batay sa Order No.13 ng deped, nakasaad dito ang mga alituntunin sa pagsasagawa ng remedial at enrichment classes sa mga grade 1 hanggang 11 na hindi makakapasa kasunod ng school year 2021-2022 na nakatakdang magtapos sa June 24.
Ayon kay Teachers Dignity Coalition (TDC) National Chairperson Benjo Basas, dapat na maging malinaw ang polisiya ng kagawaran dahil inaasahan nila na makakapagpahinga ang guro sa dalawang buwang bakasyon.
Kabilang kasi aniya sa requirements ng DEPED sa remedial classes ang online activities, virtual and physical classes at pagre-report sa mga paaralan.
Iginiit din na hindi nabanggit sa DEPED order kung makakatanggap ng sahod ang mga gurong magtuturo sa naturang klase.
Samantala, sinabi ni Basas na nais nitong makipag-usap kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan o kay outgoing Secretary Leonor Briones para sa naturang sahod.